Pages

Ang Pilosopiya at mga Batayang Teorya ng Pagtuturo-Pagkatuto

Ang Pilosopiya at mga Batayang Teorya ng Pagtuturo Pagkatuto  (MATATAG Curriculum,2023) 

Pilosopiya ng GMRC at VE

               Ang GMRC at VE ay nakaangkla sa Personalismo at Etika ng Kabutihang Asal (Virtue Ethics). Ayon sa pilosopiya ng Personalismo, nakaugat lagi sa pagpapakatao ang ating mga ugnayan. Nililikha natin ang ating pagpapakatao sa ating pakikipagkapuwa. Sa murang edad na 6 hanggang 12 taon, maaaring hindi pa lubos na maunawaan ng isang bata ang  kaniyang kalikasan bilang tao ayon sa paliwanag ng pilosopiyang Personalismo. Ngunit maaari siyang sanayin sa mga virtue o mabuting gawi (habit) at umiwas sa mga bisyo o masamang gawi upang lumaki siyang isang mabuting tao. Ito ang tuon ng  Virtue Ethics na pinag-aaralan sa GMRC. Ayon sa pilosopiyang ito, ang pagtataglay at pagsasabuhay ng mga mabuting gawi  ang nagpapabuti sa tao. Mauunawaan ng bata na dapat siyang magpakabuti hindi lamang sapagkat ito ang inaasahan sa  kaniya ng lipunan kundi dahil tao siya - may dignidad at likas ang pagiging mabuti. May dignidad ang tao dahil siya ay bukod tangi at may ugnayan sa kaniyang kapuwa, sa Diyos, at kalikasan. Habang siya ay tumatanda o nagkakaedad, nagkakaroon siya ng kakayahang mag-isip, magsuri at magpasya nang mapanagutan.



Batayang Teorya

               Ginagabayan ang asignatura ng mga teorya na nahahati sa limang pangkat: Antropolohikal (Anthropological), Sikolohikal (Psychological), Sosyolohikal (Sociological), Pilosopikal (Philosophical), at Teknolohikal (Technological).

 

Antropolohikal

           Ang Sociocultural Theory of Cognitive Development ni Lev Vygotsky ay naniniwalang malaki ang papel ng pakikihalubilo (interaction) sa kapuwa sa kognitibong pag-unlad (cognitive development). Nagreresulta sa pagkatuto ang pakikihalubilo ng mag-aaral sa ibang tao sa pamayanan: sa mga kasing-edad niya (peers), nasa sapat na gulang (adults),  at mga guro. Kaya mahalaga ang mga gawaing naglalapat ng mga konsepto sa tunay na buhay (real life application) tulad ng paglutas sa suliranin (problem-solving). Nagreresulta sa kognitibong pag-unlad ang pakikihalubilo ng magaaral sa ibang tao sa pamayanan. Kapag naaapektuhan ng kultura ang mga kilos ng tao, naiimpluwensiyahan din ang  kognitibong pag-unlad (cognitive development) nito dahil naiiangkop na niya ang kaniyang sarili sa mga moral at etikal na pagpapahalaga ng pamayanan. Mahalagang sensitibo ang guro sa zone of proximal development ng mag- aaral. Dapat niyang tulungan ang mag-aaral na umusad mula sa mga gawaing kailangan ang gabay niya hanggang sa mga gawaing magagawa mag-isa ng mag-aaral tungo sa paglalapat ng mga pagkatuto sa tunay na buhay.

               Ang Independent and Interdependent Self-Construal Theory nina Markus at Kitayama na nagsasabi na may iba’t ibang pananaw sa kanilang sarili (self-construal), sa kapuwa (others), at sa ugnayan o interdependence ng dalawa. Ang mga nasabing pananaw ay nakaaapekto sa uri ng karanasan kasama na ang pag-iisip (cognition), pandamdamin (emotion) at motibasyon (motivation) ng tao. Ang pananaw sa sarili bilang independent at interdependent ay may epekto sa kung paano magpapasiya, kikilos at mag-iisip ang tao kung kaya’t mahalagang silipin ang teoryang ito sa mga paksa sa tungkol sa sarili ng GMRC at Values Education.


Sikolohikal

                  Ang Experiential Learning Theory ni David Kolb ay isa sa mga teoryang gagabay sa pagbuo ng kurikulum ng GMRC at VE. Ayon kay Kolb, dumadaloy ang pagkatuto sa pamamagitan ng paglalapat ng mga malawak na konsepto (abstract concept) sa iba’t ibang situwasiyon. Natututo ang mga mag-aaral gamit ang mga bagong karanasan.

                Kaugnay dito, ang Constructivism Theory ay makatutulong din upang mailahad ang mga aralin sa asignaturang ito. Ayon sa teoryang ito, ang mga karanasan ang pinagkukunan ng mga pagkatuto. Naniniwala ang mga constructivist na ang pag-unawa sa mga konsepto o prinsipyo ay nabubuo at nagiging mas malalim sa paglipas ng panahon.

                   Nagkakaroon ng pagkatuto ang tao at gumagawa ng kabuluhan (meaning) batay sa kaniyang mga karanasan. Isinasaalang-alang din ang iba't ibang gawain kung saan ang mag-aaral ay magkakaroon ng pagninilay, pag-unawa at pagpapahalaga. Ang mga mag-aaral ay patuloy na nagninilay sa kanilang mga karanasan habang pinauunlad ang mga kinakailangang kasanayan at nililinang ang mga pagpapahalaga o virtue (virtue or values). Kaya mas epektibo ang mga mapanghamong gawaing (challenging tasks) may kolaborasyon dahil nahihimok na mag-isip at nahuhubog ang mga pagpapahalaga o virtue sa mga mag-aaral.                        

    Ang Moral Development Theory ni Lawrence Kohlberg ay may direktang ugnayan sa GMRC at Values Education. Kinikilala ang pamilya bilang unang mapagkukunan ng mga pagpapahalaga (values) at pag-unlad ng moralidad (moral development) para sa isang indibidwal. Mahalaga na maisaalang-alang ang mabuting paghubog mula sa pamilya o sa

unang kinamulatan ukol sa mga wastong pag-uugali at pagpapahalaga.

               Dagdag din ang Psychosocial Development Theory ni Eric Erickson na may walong yugto (stages) ang pagunlad ng personalidad (personality development) ng tao mula pagkabata hanggang pagtanda. Nararanasan ng bawat tao ang krisis (crisis) sa bawat yugto na maaaring magkaroon ng positibo o negatibong epekto sa kaniyang personalidad. Kapag napangingibabawan (overcome) ang krisis sa bawat yugto, uunlad ang mga kalakasan (strengths) at kakayahan (skills) na matugunan ang mga hamon ng buhay.

               Ang Konsepto ng Kapuwa ay isang pangunahing konsepto sa Sikolohiyang Pilipino. Ayon kay Enriquez (1978), hindi pakikisama ang pinapahalagahan ng mga Pilipino kundi pakikipagkapuwa. Ang kapuwa ay ang ugnayan ng sarili at iba; ang salitang kapuwa ay nagpapahiwatig na kasangkot ang pagkakilanlan ng sarili sa pagkakilanlan ng kapuwa - "shared identity." Ayon sa teoryang ito, mahalaga na maisasaalang-alang ang kamalayan, kaisipan, diwa, ugali, kalooban, damdamin, at marami pang iba na nakatuon sa Pagka-Pilipino at mga katutubong pananaw na nauukol sa mga pagpapahalaga. Ginagamit din ang mga evidence-based na teoryang sikolohikal upang magkaroon ng siyentipikong pamamaraan ng pagtugon sa mga suliraning hinaharap. Dahil sa walang iisang pamamaraan ang makakatugon sa lahat ng kinakaharap na balakid, nararapat tingnan ang mga pamamaraang maaaring ilapat. Napapabilang dito ang mga pamamaraang halaw sa pagtingin sa kalakasan ng tao tulad ng Person Centered Therapy ni Carl Rogers, Positive Psychology ni Martin Seligman, at Solution Focused Brief Therapy nina Steve de Shazer at Insoo Kim Berg. Tinitingnan din ang paglapat ng ilang mga praktikal na kakayahan ng Cognitive Behavior Therapy ni Aaron Beck, Dialectic Behavior Therapy ni Marsha Linehan, at Acceptance and Commitment Therapy ni Steven Hayes.

 

Sosyolohikal

               Ito ay agham panlipunan na naglalayong pag-aralan ang lipunan at mga ugnayang nakapaloob dito. Ang Ecological Systems Theory ni Brofenbrenner ay ginamit na gabay ng asignatura. Ayon dito, nakaaapekto sa paghubog ng isang bata ang kaniyang pakikisalamuha sa tahanan, paaralan, at pamayanan. Kaya mahalagang panatilihin ng mga magulang at guro ang mabuting ugnayan sa isa’t isa at magtulungan tungo sa positibong pag-unlad ng bata.  Binibigyang-halaga rin ng teorya ang kalagayan o karanasan ng bawat pamilya dahil may tuwirang epekto ito sa kalagayan ng isang bata.

               Dapat ding maging aktibo sa kaniyang pag-aaral ang isang bata sa pamamagitan ng pakikibahagi sa mga gawaing pang-akademiko at panlipunan. Makatutulong ang mga gawaing ito upang magkaroon siya ng makabuluhang karanasan sa pag-aaral tungo sa kaniyang positibong pag-unlad.

               Ang Social Learning Theory ni Albert Bandura ay nagsasabi na ang pagkatuto ng mag-aaral ay nabibigyangdiin sa kahalagahan ng pagmamasid at pagmomodelo ng mga pag-uugali, at emosyonal na reaksyon ng iba kaalinsabay

din ang konsepto ng pagiging epektibo sa sarili sa iba't ibang mga konteksto.

 

Pilosopikal

               Ang pananaw ni Matthew Lipman na ang mga bata ay may kakayanang matuto mula sa isa’t isa ay siyang batayan ng Community of Inquiry kung saan ang multidimensional thinking (critical, creative, collaborative, at caring thinking) ng mga mag-aaral ay nalilinang sa pamamagitan ng kanilang pagninilay at pagsusuri, at pakikipag-usap at pakikipagtalastasan sa isa’t isa. Naging basehan din nito ang teorya ni John Dewey kung saan tinitingnan ang mag aaral na may kakayanang matuto sa pamamagitan ng pag-uugat ng ideya sa kaniyang mga karanasan o experience, na nalilinang sa pakikipag-usap at pakikipagtulungan sa kapwa, sa loob ng paaralan at sa komunidad.

Teknolohikal

               Kinikilala rin ang malaking bahagi ng teknolohiya sa buhay ng bawat mag-aaral. Ang teorya ng Digtal Citizenship ni Karen Mossberger, Caroline Tolbert at Ramona Mc Neal ay naglalayon na magkaroon ng pantay pantay na pagkakataon ang lahat sa mga oportunidad na dulot ng internet at communication technology, mapaunlad ang kakayahang teknolohikal at mailapat ang karapatang pantao at respeto sa paggamit ng email, social media at iba pang

websites.

               Ang Cyber Wisdom Education ni Polizzi at Harrison na tumutukoy sa paglalapat ng etika sa pakikisalamuha sa kapuwa gamit ang teknolohiyang hatid ng internet. Ito ay hinahalintulad sa konsepto ni Aristotle hinggil sa pratikal na virtue (phronesis) na kumikilala sa apat na salik; una, ang pagkilala sa pagkilos batay sa etika o moralidad sa anumang situwasiyon; pangalawa, kakayahan na sumuri sa etikal na situwasyon sa pakikisalamuha sa kapuwa; pangatlo, gabay ito sa pakikisalamuha sa kapuwa gamit ang internet; at pamamahala sa emosyon na sangkot sa pakikisalamuha sa kapuwa,

               Ang teorya ng Technological Determinism ni Thorstein Veblen ay naniniwala na ang teknolohiya ay isa sa mga nangunguna sa mga pagbabago ng lipunan. Ang anumang pagbabago sa ugnayan sa lipunan ay kontrolado ng teknolohiya, kaunlaran (development) nito, komunikasyon at midya. Ang makabagong panahon na nagpapahalaga sa impormasyon ay dulot ng mga makabagong imbensyon, teknolohiya at epekto nito sa panlipunan at politikal. Malaki ang magiging impluwensya ng teoryang ito sa pagtuturo ng GMRC at VE sa mga paaraalan sa tatlong kadahilanan-una, magiging patunay ito sa mga mag-aaral na ang pilosopiya sa likod ng pagtuturo ng asignatura ay maaaring madama sa lahat ng aspeto ng buhay kasama na rito ang pagbabagong dala ng teknolohiya; pangalawa, magiging gabay ang prinsipyo ng etika, moralidad, at personalismo sa pakikisalamuha sa online, at magiging tuntungan ito ng mga gawain sa paglilinang ng pagpapahalaga at virtue.


Subscribe to this channel first: ebxeducation and put thumbs up to any video.

You are task to apply the theories of GMRC and Values Education by giving some example of your own experiences. Write it in the comment section. 

Guide question:
What is your experience with social learning, experiential learning and the theory of technological determinism? Explain.

Do not put your full name. Write only your initials. Example: (Juan X. Dela Cruz) write J.X. Cruz.